naghintay ako

'paghihintay'. gouache. 2010.

“Ikaw ‘yun, ikaw ‘yun talaga. Pero bakit hindi mo alam?”


time capsule

nagkita-kita kami kanina ng mga kaibigan ko mula high school. isa o dalawang taon na yata mula noong huli kaming nagkita. ang dami tuloy naming napag-usapan dahil naipong lahat: enumeration ng mga kaklaseng may anak na (o model na sa poster ng kinainang fastfood), mga pinasukang trabaho, mga nagdaang manliligaw, etc.

naalala ko pa noong high school, binalak naming gumawa ng time capsule na lalagyan ng memorabilia para ibaon sa lupa. tapos after ten years, huhukayin namin para makapag-senti sa mga pinaglalagay namin sa time capsule (“naalala niyo, ito yung first blah blah blah?”). malamang sa anime namin natutunan yun, dahil dun naman namin madalas natututunan ang maraming bagay. kami yung tipo na bumubuo ng grupo kasama ng iba pang geeks para magbahaginan ng balita at iniisip tungkol sa anime/final fantasy (binabati namin ang mga anime/ff characters sa birthday nila. ganoon kami kalala). anyway, hindi namin naituloy yung time capsule.

detail, slumber party. 2007. digital.

five years na ang nakalipas mula nung balakin naming gumawa ng time capsule. matapos ang matagal na pagpaplano sa kung ano’ng ilalagay (makalumang studio pic na naka-school uniform pa lahat, with braces) o saan ibabaon (naitanong na ang “mahal ba yung mga lupa sa sementeryo?”), napabayaan na lang, at after 5 years nanatiling ideya pa rin. nang mabatid ko na nalipasan na nga ng limang taon yung plano, nasayangan ako sa panahon. naisip ko, “shet, kung nagawa na namin dati pa, e di limang taon na lang puwede nang buksan.” medyo nalungkot akong hindi namin maituloy-tuloy (“‘pag sa bakuran kasi namin kakalkalin ng aso”). naaliw ako nang husto sa ideya na balang araw, may bubutingtingin kami at maghahalakhakan/mag-aasaran kami na parang mga magkakaibigan sa anime o manga.

astig lang dahil kahit ang tagal naming hindi nagkita, hindi naman kami naging awkward. yung tipong ang tagal niyong di nagkita, tapos magkikita kayo pero hindi mo na alam kung ano’ng puwede niyong pag-usapan dahil wala ka nang alam (o pakialam?) sa buhay niya. yung puro inside joke kayo tapos pag naubusan kayo, mahihirapan na kayong buhayin yung usapan ulit. tipong gustuhin mo man na maging BFF ek-ek pa rin kayo, may mga bago lang talagang espasyo sa buhay niya na hindi mo na saklaw, at palaki yun nang palaki habang tumatagal. ikinatakot kong mangyari ‘yon sa’min ng mga kaibigan ko, pero buti hindi pa naman nangyayari kahit ilang taon pa kaming hindi magkita.

malamang, kukulitin ko na naman yung mga kaibigan ko tungkol sa time capsule na ‘to. hindi ko alam kung matutuloy na, ngayong uso naman na ang airtight na ‘lock and lock’ na puwedeng ibaon sa lupa nang hindi papasukin ng insekto o germs. malaki rin naman ang posibilidad na makaligtaan na naman namin at hindi maasikaso. pero sa totoo lang, okey na rin sa’kin yung ganito lang, yung isip lang kami nang isip kung ano ba’ng magandang ilagay sa lecheng time capsule na ‘yan.

mukhang hindi rin naman namin kakailanganin ng time capsule para maging ice-breaker sa mga reu-reunion na ‘yan. palagay ko masuwerte lang kami na nagkakila-kilala kami sa tamang panahon. nakailang oras na rin kaming naka-4-way call (noon, may panahon  pa kami para sa mga 11-hour telethon na walang babaan). marami na kaming napanood at nabasa nang sabay na bumuo na sa kani-kaniyang realidad o mundo namin. kaya may bahagi ng mga sarili namin na maiiwan para lang sa isa’t isa, kung posible man ‘yon, at gaano man kakorni pakinggan. hindi man sa mundo ng materya, meron naman talagang time capsule.

2008, color pencil.

meanwhile, puwede ninyong isalin ang post na ito sa ingles using google translate, kung bored kayo o nangangailangan ng ebidensiyang hindi pa puwedeng maghari ang mga computer sa mundo.


para kay

Sinusubukan kong magsulat ng fiction para sa klase.  Matagal ko nang gustong magsulat, pero lagi akong natatakot magsimula. Hindi rin ako dating nagpapabasa, kahit sa mga taong laging nagpapabasa ng gawa nila sa’kin (kung isa ka doon, sorry. haha!).

‘Yung isiping babasahin ako, medyo weird ‘yun para sa’kin.  Bukod diyan, mula sa all girls na school, napunta ako sa co-ed, at sa kung papaano bang paraan, puro lalaki ang nakilala kong nagsisipagsulat!!! Susko. Kaya mula 1st yr hanggang 4th yr, hindi ko inamin kahit kanino na gusto kong magsulat, kahit sa sarili ko.

Tungkol ang entry na ‘to sa taong dahilan kung bakit nagsisimula ako ulit na sumulat, paborito kong manunulat, at unang nakabasa ng isinulat ko.

'the reader'

Medyo “pilitan” ang una kong naisulat na kuwento; kahit matagal ko nang gustong isulat ‘yon, hindi ko naisip na ipabasa. Napanood ko siya noong unang binasa niya ang kuwento ko, sa mismong laptop kung saan isinulat ko. Naisip ko, sa sobrang galing niya, baka pare-parehas na lang lahat ‘yon sa kanya, ine-encourage na lang ako dahil parehas na rin kaming inaantok noong panahon na ‘yon.

Pero pagkatapos niyang basahin, sinabi niya kung paano niya ‘nabasa’ ‘yung isinulat ko. Nakuha niya ang mga gusto kong sabihin, at marami rin siyang di napansin. Pero higit sa lahat, sa pamamagitan ng kung anong himala o agimat, nakalimutan ko na lalaki siya (hindi naman sa sinasabi kong masama kung naramdaman kong lalaki siya, pero medyo scary para sa akin noon ‘yon, at weird, ewan ko ba! natakot ako kasi AKALA ko lalaki siya  XD).

Gusto ko ang pakiramdam ng binabasa nang ganoon, parang pag-ibig. Wahahahaha! Kaya gusto ko ulit na makasulat, pagkatapos ng isang mahabang hiatus at pagpapatalo sa kahinaan ng loob. Siguro balang araw, maipapabasa ko ulit sa kaniya, ewan ko lang kung kailan. Pero sa lahat ng maisusulat ko, malamang na laging iisipin ko kung ano’ng iisipin niya tungkol sa gawa ko.

Kaya ito, nagsusulat ako ng blog entry, imbes na tapusin ‘yung kuwentong sinusulat ko ngayon. 😄

ANYWAY, in an unrelated note, HETO ang isang bagay na baka kailangan ngayon ng marami.